MAYNILA — Nasa 30 minutong biyahe, dagdag pa ang higit 15 minutong lakarin, ang kailangang gawin ng mga residente ng Barangay Bayate sa Liliw, Laguna dahil hindi nakakapasok ang mga sasakyan sa naturang lugar.
Dahil dito, kabayo ang gamit ng mga residente para sa kanilang hanapbuhay, tulad ng paghahakot ng niyog at pagtatanim ng halaman. Pero bukod sa transportasyon, problema rin ng residente at criminology student na si Angelica Pamatmat ang mahinang signal."Noon pa ho hirap na hirap na akong mag online class, dahil sa paggamit namin ng data, nagla-lag po sila di ko talaga maintindihan."
Isa ito sa dahilan kung bakit napili ng Department of Information and Communications Technology Laguna ang barangay Bayate sa Liliw na bigyan ng libreng internet connection.
"Napadali po ang pag-aaral po namin tulad ng online class po, mas mabilis po ang signal di po tulad ng paglo-load po," ani Edward Consignado.